jump to navigation

Kierkegaard at ang Kabalyero ng Pananampalataya 11/23/2010

Posted by Pilosopo Basyo in Seyosong usapan muna.
add a comment

 

Kierkegaard

Para kay Kierkegaard, ang pinakamataas na landas na maaaring tahakin ng tao ay ang landas ng pananampalataya.

Ang relihiyosong larangang ito, ayon sa kanya, ay higit pa sa dalawang iba pang larangan. Nariyan ang, una, estetikong larangan kung saan ang pinagpapahalagahan ng tao ay ang kaluguran ng kanyang pandama, upang magkaroon ng karanasan ng Kagandahan. Para sa estetikong tao, pansariling kaligayahan lamang ang kanyang ninanais na matupad; wala pa itong pagtanaw sa sinumang kapwa–na siya namang isinasaalang-alang ng, ikalawa, etikal na tao.

Dahil sa nilalayon na malaman ng etikal na tao kung ano ang Mabuti, hinahanap nito ang mga patakaran o moral na batayan ng mabuting pagkilos na maaaring ilapat sa lahat ng tao sa lahat ng panahon–ang unibersal. Gumagalaw sa daigdig ng ideya ang etikal na tao, habang, kung papansinin, sa materyal at nakikitang daigdig naman naghahari ang estetikong tao. Ang bayani ng larangang ito ay ang pilosopo.

Ngunit mayroon pang isang larangan na lampas sa nakikitang daigdig ng materya at hindi nakikitang daigdig ng mga ideya. Iyan ang relihiyosong landas tungo sa larangan ng pananampalataya. Sa antas na ito, hindi ang pansariling kaluguran o ni hindi ang unibersal na kabutihan ang hangad ng nananampalataya–kundi ang layon  ng naniniwala ay mapaglingkuran ang isang Ikaw na tinuturing nitong Diyos–at iyon lamang, wala nang iba. Absoluto ang kanyang ugnayan sa Diyos, walang namamagitan, gaya ng walang namamagitan sa pag-iibigan ng mga mangingibig. Sa ugnayang ito, nagiging tunay na indibidwal ang isang tao: nagkakaroon ng mukha, pangalan, at kahulugan ang buhay niya dahil sa Diyos nahuhulog ang lahat.

Hindi artista, ni hindi pilosopo, ngunit ayon kay Kiekegaard ang nararapat na itawag sa bayani ng ikatlong larangan ay ang “kabalyero ng pananamapalataya.” O, sa mas madaling sabi, sila ang mga santo.

Hindi pansin 11/02/2010

Posted by Pilosopo Basyo in Usapang Lasing.
add a comment

Paano ba mapansin ng isang artista?
Ni hindi ko alam kung saan sila makikta.
Sa sine o diyaryo o TV lang ba?
Totoong tao ba sila?–
Nasasaktan, nasusugatan, mahina’t
Nagkakamali.

Paano ka ba mamahalin ng artista
Kung hindi ka nila kasinganda?

Salamin sa Buhay 11/01/2010

Posted by Pilosopo Basyo in Pilosopiya na puro at walang halo.
Tags:
add a comment

Kuha ni Luca Mosconi

Kung nais mong makilala ang iyong sarili, magsulat ka.

Kadalasan kasi ay may itim na belo na tumataklob sa ating mga tunay na sarili. Gaya ng katotohanan, mahilig magtago ang sarili mula sa liwanag ng ating pag-unawa. At iyan naman ang kabalintunaan, na ang siyang pinakamalapit sa atin ay ang pinakamalayo’t mahirap marating. Iyan ang dahilan kung bakit “nagsimula” ang pilosopiya kay Sokrates na nagsabing “Ang buhay na hindi sinasaliksik ay hindi buhay-tao.” Wala raw kasing halaga na alamin ang mga kilos ng bituin sa langit kung hindi mo naman kayang kilalanin ang iyong sarili.

Ngunit may dahilan kung bakit mahirap ngang matagpuan ang ating mga sarili. Dahil paano mo nga kikilalanin ang tao na ipinakikilala mo sa iba? Paano mo titignan ang mata na ginagamit mo upang tumingin? Paano mo haharapin ang iyong sarili kung ikaw ang humaharap sa iba? Hindi iyan mga bugtong; iyan ang trahedya ng ating pandama: maaaring mong makita ang lahat maliban sa ikaw na nakakakita. Sa isang banda, maaari ka pang maging mas malapit sa isang Absolutong nilalang gaya ng Diyos kaysa sa iyong sarili. Bagaman tiyak na magiging mali ang sasabihin kong ito, may pagka-obheto rin kasi ang Diyos gaya ng ibang pag-iral: maaari natin siyang harapin, kausapin, hanapin, mahirap man ito gawin. Ngunit tila mas mahirap harapin ang iyong sarili. At bukod sa magmumukha kang baliw, wala ring sasagot kapag subukan mong kausapin ang iyong sarili. O kung may sumagot man, ikaw rin lang iyon.

Kaya naman ang pagsusulat ay maaaring maging salamin. Sa pamamagitan ng mga salita, maaari mong gawing obheto ang iyong sarili at sa unang pagkakataon ay basahin ang iyong buhay. May dahilan kung bakit may mga taong nagsusulat ng talaarawan: sa pamamagitan ng mga sanaysay ng ating karanasan at pag-iisip, maaaring kang mabiyayaan ng isang pagkakataon upang masulyapan ang nagtatago mong sarili. Hindi lamang talaan ng mga nakalipas na pangyayari ang gawain ng alaala, isa rin itong pagdiskubre ng iyong sarili sa pamamagitan ng pagbisita sa nakaraan–isang bagay na hindi mo magagawa noon habang nangyayari pa ang mga nangyayari. Kapag nagsusulat ka para lamang magsulat, at hindi para mabasa lamang o maghanap ng kumpirmasyon mula sa iba, matatagpuan mo ang mga bakas ng iyong nagtatagong sarili sa mga pahina ng iyong sinulat. Hindi ako magtataka kung sa pangkalahatan ay mas malapit sa kanilang mga sarili ang mga manunulat.

Memento Mori 10/27/2010

Posted by Pilosopo Basyo in Seyosong usapan muna.
Tags:
12 comments

Bakit maraming nagkakasakit at namamatay ngayong mga panahon na ito?

Napansin mo ba, aking mambabasa, na laging may panahon ng pagdiriwang ng buhay at ligaya at, kasindalas din naman, panahon ng sakit at kamatayan? Tila sunod-sunod din kung dumating ang magagandang balita at masama, na para bagang tinutuhog ang mga katulad na pangyayari, pinagsasama upang maging halata at lantad, kitang-kita, na para bagang hindi mo maiiwasan na mapansin at paalalahanan.

 

Ferdinand Hodler, "The Dying Valentine Gode-Darel." January 24, 1915.

Paalala sa bawat isa sa atin ang mga pangyayari ng kamatayan sa ating paligid. Masama man ito o mabuti, madalas kundi sa lahat ng pagkakataon na naririnig natin ang balita o nahaharap tayo sa isang taong nagkakasakit, nanganganib ang buhay, o namatay, hindi naiiwasan na bumalik sa ating mga sarili ang tanong na—Paano kung sa akin nangyari ito? Walang kasingtindi na panggulat sa isang tao na nahihimbing sa pag-ibig sa daigdig na ito ang katotohanan ng kamatayan, na ako at walang iba ang mamamatay sa katapusan o kahit sa kalagitnaan ng lahat ng ito. Karamihan ng mga karanasan na nagpapabago ng ating mga gawain, hilig, bisyo, paraan ng pamumuhay ay bunga ng mga repleksibong tanong na ito sa harap ng isang sakuna o masamang pangyayari. Inatake siya dala ng kanyang mga bisyo, kailan ko kaya ititigil ang akin? Naaksidenta siya dahil sa pagwawalang-bahala, dapat mag-ingat din ako. At iba pa. Ngunit, dahil nga ang tao ay ang makakalimutin na hayop, sandali lamang ang mga epekto ng mga kabatirang ito, at balik na naman sa dati, sa nakasanayan. Mas maligaya kasi ang paglimot.

Hindi ko alam kung ano ang nagiging pakiramadam ng mga tunay na dumaan sa mga mahihirap na pagkakataon gaya niyan kapag ginagawa lamang natin silang halimbawa o kaso na maaaring pagpulutan ng aral o tuntunin. Wari ko’y sa una’t huli hindi naman iyon ang kanilang nais.

Nangangamoy ng kamatayan sa paligid ko nitong huling mga araw. Narinig mo na ba, aking mambabasa, ang sawikain na “Death comes in threes”? Dumarating daw ang kamatayan o ang mga balita nito nang tatluhan. Para bagang para tiyakin na mapansin natin, at tunay na mapaalalahanan. Ngunit may mga panahon na sa buong pagtanggap mo ng mensahe ay hindi ito nagiging mabunga: nakakaparalisa ang kamatayan–ang tangi nating kapwa kaibigan at kalaban sa daigdig na ito.

Ban on Liquor Ban 10/25/2010

Posted by Pilosopo Basyo in Iba na ngayon, postmodern na!.
2 comments

Mga katoto,

Kailangan ba talagang magkaroon ng liquor ban tuwing may halalan?

Hindi ba parang ang sinasabi nito ay manginginom ang karamihah ng tao (kasama ako diyan), at kung uminom ka nga, ay tiyak na 1) hindi ka boboto dahil lasing o may hang over ka, at/o 2) marahas ang mga umiinom at tutuloy sa election violence?

Lahat ba ng bansa may liquor ban tuwing may eleksyon? Sa katunayan, hindi ko alam. Pero tiyak hindi lahat, lalo na ang mga ‘mas maunlad’ (whatever that means).

Usapang lasing pero uminom man ang Pilipino gabi-gabi, gigising pa rin siya kinabukasan at magbabanat ng buto sa trabaho kahit masakit ang ulo. At isa pa: walang duda na mas marahas ang mga may masasamang loob at abusado sa kapangyarihan kaysa sa mga manginginom na enjoy lang magbeer. Silang mga nagnanakaw mula sa kaban ng bayan ang dapat iban.