jump to navigation

Bolagaan sa Eat Bulaga 10/20/2010

Posted by Pilosopo Basyo in Pinoy Henyo.
Tags:
trackback

Ang ugat ng problema nating mga Pilipino ay mahahanap mo sa portion na Bolagaan sa Eat Bulaga.

Kung saan ang punto ng Bolagaan ay itapon muli ang bola kapag nasalo mo ito, ihagis at ipasa ito parang hot potato, ang ginagawa ng karamihan ay hawakan lamang ang bola na taglay nila. Makikita mo na ang ginagawa pa ng ilan ay iitsa lamang ang bola nang kaunti sa hangin — para kunwari ay itinapon nga — ngunit sila rin naman ang sasalo. Magandang talinhaga, hindi ba? Kunwari ibinibigay ko ngunit ibabalik ko rin pala sa aking sarili. Parang pag-ibig kung minsan, kung ito’y makasarili.

Dahil nga naman ang mananalo ng premyo ay manggagaling sa isang kulay ng bola na may nakadikit na pangalan ng siyudad o probinsya, ang ginagawa ng iba ay huwag nang palampasin ang pagkakataon na sila’y manalo. Kaya imbis na ibahagi sa iba ang natanggap, at umasa na maipapasa din sa kanila ang ibang bola — na malay mo iyon pala ang bubunutin — aangkinin ko na lamang ang bola na in the first place ay natanggap ko lang.

Ilang beses kung sabihin ng mga host ng Eat Bulaga na ipasa at itapon ang bola habang may tugtog. Sabi nila ang bolang itinapon mo, gaya ng basura, ay babalik din sa iyo. May katotohanan diyan, sa basura man o sa pag-ibig. Kawawa naman sila minsan dahil hindi nakikinig ang karamihan sa kanila. At matatanda na ang audience, hindi na mga bata; paumanhin pero iyan din kaya ang tinuturo nila sa mga anak, apo nila?

Alam ko, at baka ito ang sasabihin ng iba, na mayroon kasi doon sa audience na wala ring kaya, at baka, gaya lalo doon sa isa pang noontime show, kaya nga sila naroon ay upang magbakasakali na makapanalo ng premyo. Mahirap sagutin ang puntong iyan, gaya ng mahirap pagsabihan ang isang nagugutom na huwag nang kumalam ang sikmura, ang isang maysakit na huwag nang lagnatin. Minsan nahuhuli nang isipin o pahalagahan ang iba kung kailangan mo munang atupagin ang iyong sariling kapakanan. Naalala ko ang sinabi ng Aleman na palaisip na si Ludwig Feuerbach: “When the necessities of life are absent, moral necessity is also absent.” Ngunit ganoon nga ba dapat? Ang kakayahan yatang ipagpaliban ang sarili upang alalahanin ang iba ang siyang nagpapabukod-tangi sa tao.

Usapang lasing lang pero ano ba naman ang ihagis muli ang bola at ang iyong kapalaran sa ere at bigyan din ng pagkakataon ang mga kapus-bola at kapus-palad na makasali sa laro ng pasahan ng bola o sa gulong ng palad? Maraming bola sa ere gaya ng may karapatan ang bawat isa na bigyan ng pagkakataon upang maging maligaya. Ang hindi pa lamang natin natututunan bilang isang lahi ay kung paano ipamahagi sa iba ang kaunti mang natatanggap natin.

Advertisements

Mga Puna»

1. duking - 10/20/2010

hati ang opinyon ko sa kasong ito ng palaro nila.una,ang pagkakataon na hawak mo na,kung minsan,ayaw mo nang pakawalan pa.sa kabilang banda,dahil paniguradong may kalakip na premyo ang bola,nagiging makasarili ang mga kalahok na may hawak nito.

kung ihahambing sa ating pang araw araw na buhay,isipin natin na kung responsibilidad ang laman ng bawat bola,magandang ugali nga marahil na maging mapag-ako.sa kabilang banda ulit,kung problema ang hatid ng bola…palagay ko,nakapamulsa ang lahat at walang magnanais sumalo.

hahaha!

Pilosopo Basyo - 10/21/2010

Naunawaan ko, katoto. Totoo iyan! Ganyang din naman talaga ang lohika ng lahat ng laro: mas masarap manalo at buwenasin, at walang lohika kung sasadyain mong magpatalo.

Sumagi lang sa isip ko na baka hindi naman kailangan na iyan din ang maging lohika ng buhay at pakikipagkapwa. Totoo, tinuruan tayo, ayon nga Darwin, na ipaglaban ang ating sariling kapakanan dahil ang malakas at matapang ang mananatiling buhay. Ngunit mayroon ding ibang posiblidad, ang posibilidad ng pagbibigay at pamamahagi. Sana lamang mas maraming ganoon, dahil may kutob ako na iyan ang lunas sa paghihirap ng tao.

Naku pasensya na. Ang OA na ng sinabi ko. Alam ko naman na hindi ganoon kasimple iyon. That’s the idealist in me.

Salamat sa pagdalaw, katoto, at sa pagbahagi ng iyong pananaw.

2. jec mendiola - 10/21/2010

gandang araw kuya, di ko pa ‘to napapanood dahil ang lola ko ay solid Kapamilya. anyway, nakuha ko yung thought 😉

aaminin ko na kung sakaling isa ako sa mga kalahok ng palaro eh baka gawin ko din ang ginagawa nung may hawak ng bola. makasarili kasi ako ^^

pero mas magandang bagay kung babawasan ko ‘to para mabawasan ng isa ang problema ng Pilipinas.

k. walang sense ‘tong comment ko :))

3. Pilosopo Basyo - 10/21/2010

Katoto, may sense dahil sa pag-amin na baka kung tayo rin ang nalagay sa ganoong sitwasyon — sa bolagaan man o sa anupamang pagkakataon na mas matindi — ay ganoon din ang gagawin natin. Ako man, iisipin ko rin iyon; baka likas kasi sa atin.

At kapag tanghalian parehong Kapamilya at Kapuso ang pinanonood ko. Maganda kasing ipaghambing.

Salamat!

jec mendiola - 10/22/2010

paano mo ginagawa yun? palipat-lipat ng channel? ayanaku ayaw kitang makasabay manood ng tv para kang kapatid ko pala.

gandang araw!

Pilosopo Basyo - 10/22/2010

Makulit nga ako sa remote, papalit-palit. Hindi rin kasi ako minsan makapaghintay kapag may commercial. Parang pag-ibig…

Have a good one, too!

4. Sphere - 10/21/2010

Maganda ang iyong ginawang halimbawa parekoy, pero diba hindi mo naman alam tlga na yung hawak mong bola ay yon na yung hinahanap ng mga host:-) kailangan mong ipasa para makatanggap ka din kasi hanggang may hawak kapang bola hindi ka makakatanggap ng isa pang bola na malay mo yon pala ang hinahanap ng mga host:-)

parang bukangbibig sakin ni nanay na lagi mong buksan ang kamay mo o palad mo makakatanggap ka kc daw kung laging nakasara ang mga palad ko walang darating na grasya 🙂

censya kana sa mga pinagsasabi ko sana naintindihan mo hindi ako magaling sa paliwanagan eh may maiinom kaba jan? inuman na lng ahahaha

napadaan lng po 🙂

Pilosopo Basyo - 10/22/2010

Katoto,

Ang sinabi mong “lagi mong buksan ang kamay mo o palad mo makakatanggap ka” ay napakaganda. Naituturo ko iyan minsan, ngunit idinadagdag ko na nabubuksan mo rin lang ang kamay mo kung lagi mong ibinabahagi sa iba kung ano ang mayroon ka. Sinasabi ko na ang bukas-palad lamang ang maaari ring makatanggap.

Totoo rin ang sinasabi nila na anuman ang binigay mo, mas malaki pa ang babalik sa iyo–grasya nga. Ngunit hindi naman tayo nagbibigay upang tumanggap. Sapat sa sarili ang pagbibigay.

Naku, napalayo na ako. Nanabik kasi ako sa sinabi mo, at napaisip.

Salamat sa pagdaan, pare ko. Bisitahin din kita.


Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s